SamSuka
Edgar Calabia Samar
Edgar Calabia Samar

patreon


Pambungad sa Pangangarap

Mapagpalayang araw sa inyong lahat! Kumusta na kayo? Kumusta ka na?

Ako, heto, nagsisikap pa ring patuloy na makapagsulat.

Nang sinimulan ko itong Patreon noong Nobyembre 2018, ikalawang taon ko pa lang ng pagtuturo nang imbitahan akong maging visiting professor sa Osaka University sa Japan, dalawang taon pa bago magpandemya, kasisimula ko lang mag-podcast, at tinatapos ko ang ikatlong libro ng Janus Sílang series. Nang makita ko noon itong Patreon, hindi ko alam kung may handang sumuporta sa ganitong paraan pero sinubukan ko. Ano bang mawawala? Noon ko pa naman ginagamit ang internet para magbahagi ng pagmamahal ko sa panitikan, ng pagbabasa ko ng mga nobela, ng mga iniisip ko tungkol sa pagsusulat.

At nagulat ako na mayroon. May mga handa palang sumuporta sa ganitong paraan. Ang totoo, mas marami sa inaasahan ko. Mga mambabasa sa Pinas, mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, mga nakikinig sa podcast ko.

Para sa isang manunulat, lalo pa sa isang manunulat na Filipinong mas nagsusulat sa Filipino, malaking bagay nang basta may nagbabasa sa mga isinusulat ko. At napakalaking bagay nang may bumibili ng mga libro ko. Kaya nakakagulat na may handa palang magsilbing patron din para makatulong na magawa mo lang ang gusto mong gawin: magpakahusay sa isang bagay—tulad ng pagsusulat at pagtuturo ng panitikan—na hindi naman talaga kasama sa mga bagay na rewarded sa kinagisnan nating mundo. At ni hindi materyal na yaman ang ibig kong sabihin ng rewarded dito kundi katiyakan lang na hindi magdarahop, na hindi malulugmok sa paghihirap, na mananatiling ligtas sa anumang anyo ng karahasan at kawalang-katarungan. Sa madali’t sabi, ang magkaroon ng buhay na totoong nabubuhay dahil may kapanatagan at kalayaang maging malikhain.

Anong uri ng mundo ang patuloy nating binubuo kung walang katiyakan ang kahit ganito kapayak na buhay ng mga gusto lang mag-ambag sa pangangarap ng mundong higit sa naririto? Kung sinusubaybayan mo na ang pagsusulat ko, alam mo na sigurong ito ang isa sa mantra ko, ang paulit-ulit na paalala sa sarili at sa ibang interesado rin sa pagsusulat:

Nagsusulat dahil patuloy na nangangarap ng mundong higit sa naririto.

Ibig sabihin, lahat ng mga sumuporta sa akin noon at sumusuporta pa rin hanggang ngayon, naniniwalang may nagagawa ang pagsusulat kahit paano para makapag-ambag sa pangangarap ng mundong higit sa naririto. Maraming salamat sa pagtitiwalang iyon at nagawa ko ngang patuloy na makapagsulat. Ngayon, nakabalik na ako dito sa Pinas, tapos na ang buong Janus Sílang, nailathala na rin ang Trilohiya ng mga Bílang, at isineserye ngayon sa Liwayway ang bago kong nobelang Abel at Enkidu. Nalubog naman ako sa mga pananagutan simula noong 2023 bilang Chair ng Kagawaran ng Filipino at Vice Head ng National Committee on Literary Arts ng National Commission for Culture of the Arts kaya matagal-tagal na hindi nakapag-update dito sa Patreon. Nagsimula pang harapin ang pagpapaayos ng bagong tahanan nang ma-turnover sa wakas ang kay tagal ding hinintay na condo. Pero ngayon, nagsisimula nang makabawi sa oras at ipinapangako sa inyo (at sa sarili) na muling magiging mas aktibo sa pagbabahagi ng mga ginagawa rito.

Napagpasyahan kong itong Patreon na ang maging pangunahin kong website. Ibig sabihin, dito ko na sa Patreon titipunin ang iba’t ibang anyo ng mga sinusulat ko’t pinagkakaabalahan at kayo ang unang makakaalam. At maraming mga bagay na kayo lang talaga ang makaaalam. Tuwing Linggo simula sa 1 Disyembre 2024, mag-a-upload ako ng isang bagong content na naka-PDF. Huwag sana ninyong i-upload sa ibang site o basta ipamahagi sa iba ang mga ito. Sa halip, anyayahan n'yo rin sana sila rito sa Santinakpan.

Kabilang sa mga uri ng lalamanin nitong Patreon ang mga sumusunod na seryeng makikita n’yo rin sa COLLECTIONS tab nitong site kapag nagsimula na silang malamanan isa-isa:

ARTSIBONG ATISAN. Ito ang magsisilbing imbakan ng lahat ng aking mga akda—tula, maikling kuwento, personal na sanaysay, kritisismo, maging mga panayam, at iba pang anyo—sa iba’t ibang journal, pahayagan, magasin, o antolohiya. Kabilang din dito ang mga dati kong libro na hindi na available sa bookstore, mga e-book, at kahit ang koleksiyon ng mga nobela kong serialized sa Liwayway. Mainam na repositoryo ito para sa mga nananaliksik sa mga isinulat ko na wala sa mga available kong libro, o iba ang bersiyon sa mga nalathala sa libro. Napakalaki ng pagkakaiba, halimbawa, ng bersiyon ng Teorya ng Unang Panahon na naserye sa Liwayway, kompara sa bersiyong inilathala ng Ateneo University Press bilang libro. Maliban sa mga nalathala kong akda, ipapasilip ko rin dito ang ilang pahina ng aking mga journal na nagsilbi ring lunsaran ng aking mga akda. Espesyal na edisyon ng Artsibong Atisan ang paminsan-minsang TALArchives na iba't ibang bagay na may kinalaman sa seryeng Janus Sílang!

IBANG KLASE. Ito ang habambuhay naman talagang pag-aaral ng panitikan, isang palagiang klase sa pagbabasa at pagbibigay ng kahulugan. Bakit nga ba tayo nag-aaral ng panitikan? Ano nga ba ang halaga ng mga salita? Paano nga ba natin inuunawa ang mga akda? Kailan maganda ang binabasa natin? Kailan mahalaga ang mga sinasabi natin tungkol sa mga tekstong binabasa natin? Narito ang pagmumuni ko sa pagbabasa ng iba’t ibang akda—tula, maikling kuwento, nobela, akdang pambata, at mga akdang experimental, maging pelikula at palabas sa telebisyon. Sa proseso ng pagbabasa sa mga akdang ito, hinahangad kong makahubog din tayo ng sarili nating pagsasakasaysayan ng pagkaunlad ng panitikan.

PAGSUSULAT 101. Narito ang ilan kong payo at panayam tungkol sa pagsusulat, kabilang ang aking serye ng lektura na “Anim na Pag-amin sa Pagsusulat ng Nobela” at ang binubuo ring gabay na 101 Hakbang sa Pagsusulat ng Nobela. Pero maliban sa pagsusulat ng nobela, magbabahagi rin ako ng ilang payo't gabay sa pagsusulat ng tula, maikling kuwento, at akdang pambata. Kailan totoong malaya ang taludturan? Kailangan bang may tunggalian ang kuwento? Kailan pambata ang pambata? Magbibigay rin ako ng ibang pagsasanay at prompt na maaaring mapagsimulan ng paglikha. Kung may mga tanong kayo tungkol sa anumang yugto ng pagsusulat, mula sa paghahanap ng inspirasyon at paglilinaw ng idea hanggang sa paglalathala at pagtanggap sa kritisismo, sasagutin ko rin ang mga iyon dito.

PINOY KOMIKS. Narito naman ang pagtatampok ko sa kasaysayan ng komiks sa bansa, lalo pa ng nobelang komiks, sa pamamagitan ng pagpapakilala sa bawat isang nobela at pagbibigay ng puna sa kanilang nilalaman. Isang anyo ito na hindi gaanong napag-aaralan, kahit pa ng mga nag-aaral ng komiks mismo, na karaniwang nakatuon sa ilustrasyon lang (lalo pa’t banyaga ang marami sa iskolar na ito) o sa pangkalahatang bisa ng komiks na inilalansak lang sa iba pang anyo ng kulturang popular. Hindi madaling balikan ang mga nobelang komiks na ito dahil sa kadahupan ng mga sanggunian, subalit mula sa personal kong pananaliksik mula pa noong 2013, ibabahagi ko rito ang pag-aaral sa anyong ito na humubog din sa akin sa aking kabataan. Kasalukuyan ding nakaserye ito bilang Kasaysayan ng Nobelang Komiks sa Liwayway pero ilalagay ko rito sa Patreon ang mas updated na version ng mga pagsipat ko sa mga nobela kaysa sa naunang nalathala sa Liwayway.

PALIHANG SANTINAKPAN. Major perk na exclusive sa Santinakpan patrons ang pagbabasa at pagbibigay ko ng puna sa inyong akda kada buwan! Kung mayroon kayong sinusulat at gusto ninyong matulungan ko kayo sa rebisyon, ito ang isa sa mga paraan para matiyak na mabasa ko ang inyong akda. Bawat pagpapasa ay maaaring koleksiyon ng hindi lalampas sa sampung tula, isang maikling kuwento o sanaysay, o isang kabanata ng isinusulat ninyong nobela. Kailangan ninyo akong bigyan ng 3-4 na linggong reading time depende sa haba ng inyong ipinababasang manuskrito. Kapag nai-post ko na ang mga puna sa inyong akda (o naipadala sa inyo sa pribadong e-mail kung ayaw ninyong i-post ko sa publiko), saka lang kayo maaaring magpabasa ulit ng rebisyon o ng panibagong koleksiyon ng tula, maikling kuwento, sanaysay, o kabanata ng nobela!

Narito ang puwede mong ma-access sang-ayon sa level ng iyong pagsuporta:

Para sa Bagani Patrons, accessible ang 3 latest posts ng Artsibong Atisan. 

Para sa Púsong Patrons, ang 3 latest posts ng Artsibong Atisan at 3 latest posts ng Ibang Klase.

Para sa Diwata Patrons, ang 3 latest posts ng Artsibong Atisan, Ibang Klase, at Pinoy Komiks. 

Para sa Bathala Patrons, ang 3 latest posts ng Artsibong Atisan, Ibang Klase, Pinoy Komiks, at Pagsusulat 101. 

Para sa Santinakpan Patrons, laging accessible ang lahat ng posts at may pagkakataon ding magpabasa ng akda sa Palihang Santinakpan.

Kung hindi ka Santinakpan Patron at hindi mo inabutan o nag-expire na ang access mo sa isang dating post, maaari mong tingnan kung available na ito for purchase sa aking Patreon Shop. 

Maliban sa access sa mga post, may MONTHLY BOOK GIVEAWAY din ako ng isa o dalawang libro para sa aking mga patron! Bawat Bagani ay may 1 entry sa monthly raffle; 3 entries naman para sa bawat Púsong; 5 entries sa bawat Diwata; 10 entries sa bawat Bathala; at 20 entries sa bawat Santinakpan patron!

Siyempre, maliban sa lahat ng ito, isinasama ko rin ang pangalan ng aking mga patron sa acknowledgment pages ng aking mga inilalathalang libro. Kung dati ko pa kayong patron, makikita n’yo dapat ang pangalan n’yo sa huling libro ng Janus Sílang series, ang Si Janus Sílang at ang Lihim ng Santinakpan, at sa bawat librong bahagi ng Trilohiya ng mga Bilang: ang Walong Diwata ng Pagkahulog, Sa Kasunod ng 909, at Teorya ng Unang Panahon, na inilathala ng Ateneo University Press nitong 2023.

Alam kong laging kulang ang pasasalamat sa lahat ng pagsuporta ninyo sa mga ginagawa ko pero maraming-maraming salamat pa rin sa inyo.

Pambungad sa Pangangarap

Comments

Maraming salamat din sa pagbabasa! ❤️

Edgar Calabia Samar

Maraming salamat din sa inspirasyon, Sir Egay!

Kean (Mark Luis)


More Creators